Paalam BB ko

Dalawang segundo lang, isang saglit, nawala ka na lang bigla mula sa pagkakatago sa bulsa ko. Hindi ko namalayan, sumama ka sa ibang tao. Ilang buwan din tayong nagsama, parati kitang kasama. Kahit nakatatak yung pangalan ko sa nauna at malayong mas maganda yung pangalawa, mas pinipili pa rin kita. Kasyang kasya ka sa bulsa ko. Magkasundo tayo, sa text, sa internet or sa email man. Ang bilis nating makagawa ng kahit ano. Never kitang inubusan ng load. Never kitang iniwan. Never rin kitang binalewala. Parati tayong magkasama, pero kahapon, bigla ka na lang nawala.

Dalawang oras din akong hindi makapagsalita nung nalaman kong wala ka na. Hindi ko matanggap na wala ka na, na hindi na kita makikita at mahahawakan pa. Gusto kong magalit sa kung sino man ang kumuha sayo mula sa akin pero wala ring mangyayari. Mag-aaksaya lang ako ng galit. Iniisip ko na lang sana masaya yung anak ng magnanakaw ngayong pasko dahil mapapasakanya ka. O di kaya, sana masaya yung makakakuha sayo. Tiyak, mura kang maibebenta sa kanya.

Hanggang sa pictures na lang kita makikita. Mamimiss ko ang paggising mo sa akin sa umaga, ang pagbabasa natin sa gabi bago matulog, ang paglalaro natin sa tanghali at ang mga panahong nandun ka nang kailangan kita. Paalam BB ko.